Patuloy na binabantayan ng Konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong ang kondisyon ng isang Pinay na isinailalim sa operasyon matapos masugatan sa kasagsagan ng pananalasa doon ng Typhoon Mangkhut.
Ayon kay Consul General Antonio Morales, sumailalim sa operasyon sa braso at binti ang babae matapos siyang tamaan ng tumilapon na debris.
Turista sa Hong Kong ang nasabing Pinay at ngayon ay nananatili pa sa ospital matapos ang operasyon.
Tiniyak naman ni Morales na nabibigyan ng sapat na tulong ang Pinay at patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga kasama nitong bumiyahe.
Ani Morales, kabilang ang Pinay sa 32-member tourist delegation na na-rescue matapos ma-stranded sa sinasakyan nilang bus na magdadala sana sa kanila sa airport pauwi ng Pilipinas.
Ni-rescue ang mga sakay ng bus matapos na mawasak ng malakas na hangin dulot ng bagyo ang windshield ng bus.