Ayon sa 4am weather advisory ng PAGASA, ang low pressure area (LPA) na nasa loob ng ITCZ na kasalukuyan pang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay posibleng maging bagong bagyo.
Namataan ang LPA sa layong 2,345 kilometro Silangan ng Mindanao at posibleng pumasok ng bansa bukas ng gabi o sa Sabado ng umaga.
Sakaling maging bagong bagyo ay papangalanan itong ‘Paeng’.
Samantala, isang shallow LPA naman ang namataan din sa bahagi ng Palawan na inaasahan namang matutunaw din anumang oras.
Ngayong araw, dahil sa epekto ng ITCZ, ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western at Central Visayas, at buong Mindanao ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.