Pagpapasara sa operasyon ng small scale mining sa Itogon matagal nang idinulog sa DENR

By Erwin Aguilon September 19, 2018 - 11:47 PM

Matagal nang naiparating ng pamahalaang lokal ng Itogon, Benguet sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang problema sa illegal small scale mining sa Barangay Ucab.

Ayon kay Mayor Victorio Palangdan, ngayong taon ay nakadalawa silang liham sa Mines and Geosciences Bureau ng DENR Cordillera kung saan ang una ay noong May 24 ng kasalukuyang taon.

Nasundan aniya ito noong June 25, 2018 upang ulitin ang kanilang apila.

Nakasaad sa liham ang hiling na permanent closure sa lahat ng tunnels at pagpapahinto ng operasyon ng small scale minings sa Itogon.

Ito aniya ay base sa naunang moratorium na ipinalabas ni dating Environment Secretary Lito Atienza noong January 6, 2009 na nagpapahinto sa lahat ng uri ng pagmimina.

Paliwanag ni Mayor Palangdan, walang poder ang lokal na pamahalaan sa pagmimina dahil sa katunayan ay real property tax lamang ang nakukuha ng kanilang bayan.

Nagdidiretso aniya sa national government ang buwis na ibinabayad ng mga nagsasagawa ng pagmimina.

Bagaman sa ilalim ng Mining Act katulong ang LGU sa pagpapatupad ng batas sa pagmimina dapat ayon sa alkalde na ang DENR ang mangunguna rito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.