Pilipinas nagpasalamat sa global community sa tulong sa mga biktima ng Bagyong Ompong

By Rhommel Balasbas September 20, 2018 - 02:46 AM

Ipinahayag ng Pilipinas ang pasasalamat nito sa mga bansa at international organizations na nagbigay at nag-aalok pa rin ng tulong para sa mga biktima ng Bagyong Ompong.

Sa isang pahayag, sinabi ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano na kabilang sa mga nagbigay at nag-aalok ng humanitarian assistance ay ang mga bansang Australia, Canada, China, France, Israel, Japan, New Zealand, Singapore, South Korea, Switzerland, Thailand, United Kingdom, at United States.

Nag-alok din ng tulong ang mga international organizations tulad ng ASEAN Coordinating Centre for Humanitarian Assistance on Disaster Management, European Union, United Nations (UN) Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, UN Children’s Fund at World Food Programme.

Kasabay ng kanyang pasasalamat ay sinabi ni Cayetano na titiyakin nitong mangingibabaw ang katatagan at pagbangon ng mga Filipino pagkatapos ng krisis.

Sinabi pa ng kalihim na mayroon ding mga alok na tulong para sa rehabilitasyon ng mga naapektuhang agricultural areas.

Samantala, ipagpapatuloy anya ang P5,000 na ayudang ibinibigay ng DFA sa mga naapektuhang overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa kanselasyon ng kanilang flights.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.