Grupong La Diva posibleng magkaroon ng reunion

By Justinne Punsalang September 20, 2018 - 12:01 AM

Umaasa ang singer na si Maricris Garcia na pagbibigyan ng pagkakataon ang kagustuhan niyang muling makasama ang mga dating ka-miyembro sa La Diva na sina Jona at Aicelle Santos.

Taong 2015 nang maghiwa-hiwalay na ng landas ang trio at para sa kanyang 11th anniversary concert ay umaasa si Maricris na magkakaroon ulit sila ng pagkakataong kumanta nang magkakasama.

Sa panayam ng Inquirer.net, sinabi ng singer na ginagawan na ng kanyang team ng paraan upang mapagsama-sama sila sa iisang entablado.

Ani Maricris, tinitingnan na nila kung kakayanin bang isingit ni Jona ang rehearsals at mismong gabi ng concert sa kanyang schedule.

Sakaling pumayag ito, ay kakausapin naman niya si Aicelle na baka pwedeng i-video na lamang nito ang kanyang performance.

Kasalukuyan kasing nasa London si Aicelle para sa United Kingdom tour ng “Miss Saigon” kung saan gumaganap ito bilang Gigi.

Umaasa rin si Maricris na maging ang kanilang dating musical director na si Danny Tan ay pauunlakan silang tumugtog para sa kanilang tatlo. Aniya, sa pamamagitan nito ay magiging tunay na reunion ito para sa La Diva.

Itatanghal ang Mar1cr1s 11th Anniversary Concert sa Teatrino sa Promenade, Greenhills sa September 28 kung saan guest artists sina Nar Cabico, Mark Bautista, at Regine Velasquez.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.