2 akyat-bahay patay sa engkwentro sa Quezon City

By Justinne Punsalang September 20, 2018 - 04:36 AM

Dead on the spot ang dalawang sinasabing miyembro ng Akyat-Bahay Gang matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Greater Lagro, Quezon City.

Sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ang dalawang lalaking suspek.

Kwento ng kanilang biktima, naalimpungatan siya mula sa kanyang pagkakatulog nang makarinig ng kaluskos mula sa labas ng kanyang kwarto.

Nang tingnan niya kung ano ito, ay doon niya nakita ang mga suspek na pinagnanakawan ang kanilang sala.

Agad umano siyang tinutukan ng baril ng isa sa mga suspek, habang ang isa ay patuloy lamang sa pagsukat ng sapatos ng kanyang asawa.

Bukod sa mga sapatos ay kinuha rin ng mga suspek ang kanyang wallet.

Matapos ang pagnanakaw ay agad na tumakas ang mga akyat-bahay gamit ang isang motorsiklo.

Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga kawani ng barangay, at saktong mayroong pulis na rumoronda sa lugar na silang tumugis sa mga suspek.

Ngunit imbes na tumigil ay nakipagbarilan pa ang mga ito at nauwi sa engkwentro ang habulan na ikinasawi ng dalawang akyat-bahay.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.