PNP handang imbestigahan ang ‘missing mayors’

Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang mga lokal na opisyal na napaulat na hindi matagpuan habang binabayo ng Bagyong Ompong ang kanilang lugar.

Ngunit sinabi ni PNP spokesman Sr. Supt. Benigno Durana Jr., kikilos lang sila kapag inutusan ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sesentro aniya ang pag-iimbestiga sa kabiguan ng mga alkalde na magpatupad ng preemptive evacuations sa kabila ng banta ng matinding panganib na idudulot ng bagyo.

Pagdidiin ni Durana, napakahalaga na sa tuwing may paparating na kalamidad ay nagpapatupad ang mga lokal na pamahalaan ng preventive measures.

Sa ngayon, binubusisi na ng DILG ang mga ginawang hakbang ng mga lokal na opisyal bago manalasa ang nagdaang bagyo.

Hindi pa naman pinangalanan ni DILG spokesman Ferdinand Maglaya ang 10 alkalde ngunit aniya ang mga ito ay sa Cagayan at Cordillera Regions.

Nagpahiwatig na si Maglaya na posibleng makasuhan ang mga lokal na opisyal kapag may ebidensiya na sila ay nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Read more...