Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) na gamitin ang bagong Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) para simulan ang pagbabalik ng kuryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Ompong.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na kaya ginawa ang ECERF Act at pinaglaanan ito ng pondo ay upang maibsan ang problemang nararanasan ng mga Pilipinong naabala ng kalamidad katulad ng bagyo.
Sa ilalim ng ECERF Act, mayroong P750 milyong pondo na hawak ng NEA. Dapat itong ibigay sa mga electric cooperatives bilang immediate financial assistance para sa rehabilitasyon ng kanilang mga power lines at iba pang imprastrakturang nasira dahil sa kalamidad.
Bilang chairman ng Senate committee on energy, inutusan ni Gatchalian ang NEA na agad gamitin ang ECERF at ipamahagi na ang emergency funds para sa mga kooperatiba na nagseserbisyo para sa mga lalawigang lubhang binayo ng bagyong Ompong.
Batay sa huling power monitoring report, nasa 2.2 milyong kabahayan sa 334 na munisipalidad at 7,160 barangay ang lubhang nasalanta ng bagyo. Mula sa naturang datos, 1.03 milyong kabahayan ang wala pa ring kuryente.
Ayon sa NEA, 23 mga electric cooperatives ang kailangang isaayos ang kanilang power lines at mga nasirang pasilidad na aabot sa P138 milyon.