Umabot sa P14.3 Billion ang pinsalang iiwan sa sektor ng agrikultura ng Bagyong Ompong.
Ito ang lumabas sa inisyal na assessment na ginawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Saklaw ng nasabing halaga ang mga taniman ng palay, mais at mga gulay na sinira ni Ompong sa mga lalawigan sa Region 1 o Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at Cordillera Autonomous Region (CAR).
Bukod sa mga pananim ay naapektuhan rin ng bagyo ang ilang mga livestock at agricultural infrastructure sa lugar.
Sa ulat ni NDRRMC Spokesman Edgar Posadas, umaabot sa 171,932 na mga magsasaka ang direktang apektado ng nagdaang bagyo.
Sa pinakahuling tala ng ahensya ay umabot na sa 59 ang official death toll ng Bagyong Ompong.