Andaya at Villafuerte muntik magsuntukan sa Kamara
Muntik nang mauwi sa suntukan ang palitan ng sigawan nina Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte at House Majority Leader Rolando Andaya Jr.
Nangyari ang kaguluhan habang nagsasagawa ng caucus ang mga kongreista bago ang sana ay plenary debate kaugnay sa panukalang 2019 national budget.
Nang tanungin ng mga mamamahayag ay sinabi ni Villafuerte na masyadong mainit sa kanya si Andaya.
“Tignan niyo sa mga nag-viral dati ‘yung ugali niya, lumabas kanina. Nanghamon siya. Lumapit siya sa akin. I was on the mic. I was calm,” ayon kay Villafuerte.
Dagdag pa ng kongresista, “Sinigawan niya ako. Minura niya ako naghamon siya. On record ‘yan nakita naman ng lahat ng kongresista….Eh palagi naman kasing pikon ‘yun eh.”
Ipinaliwanag pa ni Villafuerte na matagal na kasing target ni Andaya ang posisyon bilang gobernador ng lalawigan na ngayon ay hawak ni Gov. Miguel Luis Villafuerte.
Sa hiwalay na panayam ay mariing itinanggi ni Andaya ang mga inihayag ni Villafuerte.
“Wala. Yung nangyari kanina usapang lalaki ‘yun. Hindi naman ako kiss and tell… Wala kaming hinahamon o binu-bully lalung-lalo na that the Speaker [former President Gloria Macapagal-Arroyo] was there”, pahayag ng House Majority Leader.
Kaagad ring nag-adjourn ang sesyon pasado alas-kwatro ng hapon at hindi natuloy ang unang naiulat na pagpapatalsik kay Davao City Rep. Karlo Nograles bilang pinuno ng House Appropriations Committee.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.