Itogon landslide: Hindi pwedeng walang managot ayon kay Duterte
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang malinaw na kaso ng kapabayaan ang nangyaring pagguho sa isang abandonadong minahan sa Itogon, Benguet na nagresulta sa kamatayan ng maraming tao.
Tiniyak ng pangulo na may mananagot sa nasabing trahedya.
“Itong mga minero, the rich ones, parang there’s a penchant for violating the law. Kasi no one is arrested”, ayon kay Duterte.
Naganap ang trahedya sa kalagitnaan ng pananasala ng bagyong Ompong sa Northern Luzon.
Kanina ay personal na nagsagawa ng aerial inspection ang pangulo sa lugar at nakipag-usap sa mga kaanak ng mga biktima ng landslide.
Sinundan ito ng pakikipag-pulong ng pangulo sa mga lokal na opisyal ng Benguet na nagbigay sa kanya ng ulat kaugnay sa lawak ng pinsala ng nagdaang bagyo.
Muling sinabi ng pangulo na sa simula pa lamang ay hindi na siya pabor sa mining activities.
Kaugnay nito ay inatasan ni Duterte si Environment Sec. Roy Cimatu na gumawa ng mga hakbang na magbibigay ng mahigpit na pagtutok sa lahat ng open-pit mining sa bansa.
Sa pinakahuling ulat ni Itogon Mayor Victor Palangdan, umabot na sa 34 ang bilang ng mga bangkay na nakuha sa landslide at posibleng madagdagan pa ito dahil marami pa ang iniulat na nawawala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.