Naging tensyonado ang idinaos na flag raising ceremony Lunes (Sept. 17) ng umaga matapos na dalawang alkalde ang sumipot para dumalo sa seremonya.
Kapwa din nagbigay ng kani-kanilang speech sa mga empleyado ng munisipyo sina Pedro Fuertes at Leonila Montero na parehong nagsasabing sila ang alkalde ng bayan.
Ayon kay Montero, siya ang duly reelected mayor ng Panglao.
“The fact is I am the duly reelected mayor of Panglao. I have already served my legal predicaments,” ani Montero.
Habang si Fuertes naman, sinabing mananatili siya sa pwesto bilang mayor hangga’t walang form order mula sa DILG.
Noong Sept. 10, naging matensyon sa munispyo matapos bumalik sa kaniyang tungkulin bilang mayor si Montero dahil pinaburan umano ng Court of Appeals ang kaniyang mosyon.
Inaprubahan din ng Sangguniang Bayan ang resolusyon kung saan kinikilala ang pagbabalik ni Montero sa pwesto at kinikilala siya bilang signatory sa bank accounts ng Panglao.
Ani Montero, iniutos ng CA na ma-reinstate siya bilang mayor pero ayaw naman itong kilalanin ni Fuertes.
Si Fuertes ay nagsilbing acting Mayor matapos sibakin sa pwesto ng Office of the Ombudsman si Montero.
Ito ay matapos siyang mapatunayang guilty sa simple misconduct sa pagtatalaga sa pwesto sa apat na natalong kandidato sa eleksyon nang hindi pa natatapos ang one-year ban.
Iniapela naman ito sa CA ni Montero.
Si Fuertes ay nag-oopisina sa second floor habang inokupa naman ni Montero ang kaniyang tanggapan sa ground floor.