Nakiisa ang Philippine National Police (PNP) sa pagkundena sa naganap na pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) sa General Santos City.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Chief, Director General Oscar Albayalde na ipinag-utos na niya ang mobilization ng buong pwersa ng pulisya upang tugisin ang mga nasa likod ng pambobomba.
Kasabay nito ay nagpahayag ng suporta at simpatya si Albayalde sa pitong mga nasugatan, kabilang ang isang batang babae.
Pagtitiyak ng opisyal sa publiko, gagawin ng kanilang hanay ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang insidente.
Dagdag pa ni Albayalde, inatasan na niya ang mga pulis sa SOCSARGEN Region na paigtingin pa ang pagbabantay sa mga checkpoint at pagpapatrolya ng mga police.
Nais rin ni Albayalde na palakasin pa ng kapulisan ang pagpapatupad ng mga batas at pagsupil sa kriminalidad.
Hinimok naman ni Albayalde ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag sa anumang kahina-hinalang kilos at agad ipagbigay-alam ang anumang impormasyon tungkol sa mga nasa likod ng pagpapasabog.