Pagbuo ng evacuation centers sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo iniutos ni Duterte
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbuo ng mga evacuation centers na may disenyong parang gymnasium.
Sa press conference sa Tuguegarao sinabi ng pangulo na nais niyang maiwasan ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation centers sa tuwing may kalamidad.
Giit ng presidente, naaapektuhan ng ganitong sitwasyon ang operasyon ng mga paaralan at nagdudulot ng suspensyon ng klase.
“Ngayon ang concern ko is itong ano na historically pag ka mayroong crisis, ‘yung mass movement ng tao always they seek refuge in schools because that’s the only one big enough to accommodate a big number of people. I want to, maybe ‘yung DPWH to design just like a gym, but it cannot be a place for habitation,” ayon sa pangulo.
Anya pa, dapat pagtuunan ng pansin ang pagbuo ng evacuation centers sa mga lugar na madalas daanan ng bagyo.
Sinabi ni Duterte na kadalasang hinahagupit ng bagyo ang mga lugar sa Silangang bahagi ng bansa at nakaharap sa Karagatang Pasipiko tulad ng Samar at Leyte.
Nauna nang nagsagawa ng aerial inspection si Duterte kahapon sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Tiniyak din niya sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat para matugunan ang sitwasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.