Nasunog ang isang bahagi ng bagong bukas na New City Commercial Center (NCCC) Mall Buhangin Branch sa Davao City, Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Fire Chief Inspector Virnalita Silagan na siyang Davao City fire marshal, inaalam pa nila hanggang sa ngayon ang sanhi ng sunog na naganap sa bahagi ng mga sinehan sa ikapat na palapag ng mall.
Naganap ang sunog lagpas alas-12 ng hatinggabi ng Linggo, at mabilis namang naapula ng mga bumbero.
Tinatayang aabot sa P400,000 ang kabuuang pinsala na dulot ng pagliliyab.
Maswerte namang walang nasugatan dahil sa insidente.
Ang pagbubukas ng bagong NCCC Mall ay naganap siyam na buwan matapos tupukin ng sunog ang isa pa nitong branch sa Barangay Maa na ikinasawi ng 38 katao.
Kinasuhan na ng patung-patong na kaso, kabilang ang multiple homicide, ang mga may-ari ng establisyimento at ilang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at fire officials dahil dito.