Sa pinakahuling press briefing ng PAGASA kaninang 5am para sa bagyo, huling namataan ang sentro nito sa layong 570 kilometro Kanluran ng Basco, Batanes.
Napanatili nito ang lakas ng hanging aabot sa 145 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 180 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras at inaasahang tatama malapit sa Hong Kong ngayong araw.
Tinatahak ng bagyo ang West Philippine Sea na posibleng magpalakas pa rito bago muling tumama sa kalupaan.
Ayon sa PAGASA, bagaman wala nang nakataas na storm warning signal sa bahagi ng bansa ay patuloy na uulanin ang western sections ng Luzon at Visayas dahil sa kaulapang dala ng bagyo at sa pinalalakas nitong Habagat.
Ngayong araw, makararanas ng paminsan-minsan ay malalakas na pag-uulan sa Ilocos Region, Batangas, Bataan, Zambales, MIMAROPA at Western Visayas.
Mapanganib pa rin ang paglalayag sa mga baybaying dagat sa northern at western seabords ng Luzon.
Samantala, sinabi rin ng weather bureau na posibleng gumanda na ang lagay ng panahon sa Metro Manila sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.