Pagasa nagbabala ng baha sa Pangasinan dahil sa San Roque Dam
Nanganganib na lumubog sa tubig-baha ang malaking bahagi ng lalawigan ng Pangasinan makaraang magpakawala ng tubig ang San Roque Dam.
Sinabi ni Pagasa Hydrologist Richard Orendain na pasado alas-singko ng hapon kanina ay nagsimula nang magpakawala ng tubig ang nasabing dam na may elevation na 274 meters.
Kailangan umanong magpakawala ng tubig para maiwasan na masira ang nasabing dam.
Walong oras makaraang magbukas ng spilling gates ay inaasahang aabot sa ilang mga bahay ang tubig mula sa nasabing dam na magreresulta sa baha.
Ito ay mangyayari kapag umapaw ang Agno river na siyang pangunahing dinadaanan ng tubig mula sa nasabing dam na isa sa pinaka-malaki sa bansa.
Sinabi ni Orendain na posibleng bahain ang mga bayan ng San Manuel, San Nicolas, Sta. maria, Asingan, Villasis, Alcala, Bautista, Rosales at Bayambang.
Noong October ng taong 2009 ay umabot sa 63 ang casualty at P7.4 Billion ang halaga ng mga pananim at ari-arian na nasira makaraang bahain ang nasabing mga lugar dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa San Roque Dam.
Nangyari ang nasabing baha sa kasagsagan ng pananasala ng Bagyong Peping sa Northern Luzon.
Umabot nang halos ay sampung talampakan ang baha sa ilang mga lugar na siyang isa sa pinaka-grabeng baha na naitala sa kasaysayan ng lalawigan.
Mula noon ay ipinagbawal na ang pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam sa gabi dahil sa panganib na dulot nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.