Mga pangangailangan ng evacuees sa Northern Luzon, natutugunan ng gobyerno – Tolentino

Tiniyak ng gobyerno na natutugunan nito ang pangangailangan ng mga residenteng nasa evavucation centers dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong.

Sa panayam ng Radyo INQUIRER kay Presidential Adviser on Political Affairs Atty. Francis Tolentino, sinabi nito na marami nang residente ang nasa 40,000 evacuation centers sa buong Northern Luzon.

Sa pinakahuling bilang anya kagabi ay mayroon ng 8,000 evacuees sa Isabela.

Dagdag ng opisyal, may pagkaing inihanda ang mga gobyerno para sa mga lumikas na residente na tatagal ng tatlong araw.

Samantala, sinabi ni Tolentino na napakalakas ng hangin na nararanasan nila ngayon sa Tuguegarao.

“Napakalakas po. Kanina po ay sinusubukan kong umidlip nang kaunti ngunit hindi makaidlip dahil maingay na rin ang mga yero dito sa kinaroroonan ko dito sa Regional Headquarters ng PNP Region 2 sa Tuguegarao.”

Sinabi ng opisyal na magpapatuloy ang rescue operations ng gobyerno sakaling lumampas na ang mata ng bagyo sa mga lalawigan.

Sa ngayon anya ay mapanganib pa ang lumabas sa mga kalsada.

Sa pinakahuling press briefing ng PAGASA ay nakataas ang signal no. 4 sa Ilocos Norte, Cagayan, northern Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, at Babuyan Group of Islands.

Si Tolentino ang itinalaga ni Pangulong Duterte na kanyang “conduit” for preparations and disaster response.

Read more...