Cagayan local executives namasyal sa Malacañang sa kabila ng banta ng Bagyong Ompong
Nasa 14 hanggang 16 na mayors, vice mayors at board members mula Cagayan ang tumungo sa Malacañang Biyernes ng umaga.
Ayon kay Executive Secretary Medialdea, ito ay para sa isang Palace tour.
Magugunitang nasa ilalim na ng Signal no. 4 ang lalawigan hapon pa lamang ng Biyernes at direktang tatamaan ng bagyo Sabado ng umaga.
Si dating Sen. Juan Ponce Enrile ang sumama sa mga opisyal ng Cagayan para sa tour sa Malacañang.
Sa panayam ng INQUIRER.net, iginiit ni Medialdea na matagal nang naka-schedule ang tour ng mga pulitiko sa palasyo.
Bukod sa palace tour, pagkakataon din anya ito para maihayag ng mga opisyal ang kanilang mga problema sa kanilang sariling mga lugar.
“Actually matagal nang na-set yan. It’s a Palace tour sa museum and at the same time mag-express sila ng concern nila sa probinsiya nila, ‘yung mga problema nila sa kanya-kanyang distrito nila,” ani Medialdea.
Sinabi pa ng opisyal na hiniling na ng Malacañang na kanselahin ang Palace visit ngunit may mga local executives na nasa Maynila noon pang Huwebes.
Naganap ang Palace tour alas-11 ng umaga at matapos ang lunch ay nagpulong na tumagal ng 30 minuto.
Ayon kay Medialdea, nakatakda sanang makapulong ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go ang mga opisyal ngunit nasa Davao City na ito kahapon.
Hindi rin nakapulong ng mga opisyal si Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.