Nanalasa ang isang buhawi sa lungsod ng Marikina Biyernes ng gabi.
Sa panayam ng Radyo INQUIRER kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro naganap ang buhawi sa ibabaw ng Marikina River bandang alas-6 ng gabi na tumagal ng nasa 10 hanggang 15 minuto.
Naminsala anya ang buhawi sa heritage center ng lungsod kung nasaan ang kanilang cultural center, Our Lady of the Abandoned Paris, at ang shoe museum.
Dalawang baranggay ang sinalanta ng buhawi at nasa 20 kabahayan ang sinira.
Sinira din anya ng buhawi ang isang transmission line na nagdulot ng malawakang brownout sa lungsod.
Isang puno rin ng acacia na nasa 100 taong-gulang na ang nabuwal at bumagsak sa mga linya ng kuryente.
Ani Teodoro, patuloy ang restoration works ng Meralco sa kuryente sa Marikina.
Bukod sa mga sira sa ari-arian ay dalawa katao ang nakuryente sa pagbagsak ng mga kable ng kuryente ayon sa alkalde.
Ang isa anya ay nasa kritikal na kondisyon at ang isa ay maaari nang lumabas ng ospital.
Dahil sa pananalanta ng buhawi ay mayroong mga evacuees ngayon sa lungsod bukod sa mga kusang lumikas dahil sa Bagyong Ompong.
“May 470 families na rin kaming nagpreemptive evacuation maski wala pa kaming baha pa dahil marami ang natatakot at walang kuryente sa ilang bahagi ng Marikina at darating pa ngayong madaling-araw ang Bagyong Ompong.
Nagbilin din si Teodoro na lumikas ang mga residente na ang mga tinutuluyan ay hindi matibay na istruktura.