DSWD may QRT na sa mga lugar natatamaan ng TY Ompong
Nag-deploy na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga quick response team sa mga lugar na inaasahang sasalantain ng bagyong Ompong.
Ayon sa kagawaran, naka-standby na ang mga QRT personnel nila sa kanilang mga field office sa Cagayan Valley, Ilocos, Cordillera Administrative Region (CAR), at Central Luzon para magbigay ng technical assistance sa local government na mangangailangan ng tulong.
Ang kanilang QRT personnel ay eksperto sa evacuation center management, psychosocial support at paghahanda ng mga espasyo ng mga bata at kababaihan.
Sinabi pa ni DSWD Secretary Virginia N. Orogo na nag-deploy na rin sila ng mga tauhan mula sa central office sa CAR at Cagayan Valley mula pa noong September 12 para tulungan ang rehiyon sa Disaster Response Operation.
Nagtayo na rin ang kanilang Rapid Emergency Telecommunication Team ng emergency telecommunications equipment sa DSWD field office II sa Cagayan Valley region para matiyak ang patuloy na komunikasyon habang naghahanda sa bagyong Ompong.
Nakapagpadala na ang DSWD ng kabuuang 5,000 family food packs (FFPs), 1,000 family kits, 1,000 hygiene kits, at 1,000 sleeping kits sa DSWD FO II habang 1,000 hygiene kits, 1,300 sleeping kits, at 760 family kits naman sa DSWD FO III .
Magpapadala pa sila ng karagdagang 1,600 FFPs para CAR at 7,400 sleeping kits, 7,834 hygiene kits, at 8,900 family kits.
Samantala, patuloy ang repacking ng mga relief goods at pagsubaybay sa sitwasyon sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Ompong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.