Mga eroplano sa NAIA ililipat kung delikado kay Ompong
Nakipagpulong ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Airlines Operators Council kaugnay sa Typhoon Ompong.
Sinabi ni MIAA Gen Manager Ed Monreal ang pulong ay bahagi ng paghahanda sakaling direktang maapektuhan ng bagyo ang aerodrome ng NAIA.
Aniya ipapatupad nila ang Standard Aviation Safety Protocol sa lahat ng mga biyahe, domestic man o international.
Banggit nito pumayag ang mga kompaniya na ilipad mula NAIA patungo sa ibang airport ang kanilang mga eroplano sakaling malagay sa delikadong sitwasyon ang mga ito.
Kung kakailanganin itatali din ang mga nakalapag na eroplano o ipapasok sa mga hangar.
Noong nakaraang taon, isinara ang buong NAIA complex dahil sa pananalasa ng isang malakas na bagyo na nagresulta sa pag angat ng isang eroplano ng Singapore Airlines at pagbangga nito sa NAIA Terminal 1.
Pinayuhan din ni Monreal ang mga pasahero na may biyahe bukas hanggang Linggo na tutukan ang updates ng kanilang lipad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.