Oplan Dog-Hang hindi katanggap-tanggap ayon sa PAWS

Mariing kinondena ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang Oplan “Dog-Hang” na inilunsad ng Barangay Capri, sa Novaliches, Quezon City.

Ang Dog-Hang ay mula sa salitang “Tokhang” na ginagamit sa war on drugs ng Duterte administration.

Batay sa poster ng Oplan Dog-Hang ng barangay, nakasaad pa ang “wag manlaban, isuko na ang alagang hayop! Upang hindi na makapinsala at makadumi sa kapaligiran.”

Sa isang statement, sinabi ng PAWS na “unfair and ignorant” ang naturang programa ng barangay, at ang paggamit ng salitang tokhang laban sa mga hayop gaya ng aso ay maling-mali.

Tinawag din ng PAWS na mapanganib at iresponsable ang poster ng Oplan Dog-Hang, na tila may mensahe na katanggap-tanggap ang anumang kalupitan laban sa mga ligaw na aso.

Giit ng grupo, naniniwala sila sa due process, sa mga tao man o sa mga hayop.

At dahil sa paghimok ng mga opisyal ng Barangay Capri na isuko ang mga aso, mas isinusulong pa umano ng mga ito ang pag-abandona sa mga hayop kaysa sa turuan ang kanilang mga residente na maging responsableng pet owners.

Itinanggi rin ng PAWS na nakipag-ugnayan sa kanila ang barangay o LGU, ukol sa adoptions ng mga aso.

Read more...