Tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na ibunyag kung ano ang pinag-usapan nila ni US Ambassador Sung Kim sa pagbisita nito sa Malacañang.
Magugunitang nauna nang ibinahagi ni Kim ang pulong kasama ang pangulo sa social media.
Ayon sa pangulo, walang naging ekstraordinaryo sa pulong kasama ang envoy ngunit dahil sa ‘confidentiality’ ay hindi niya ito pwedeng ipagsabi.
Ayaw niya anyang sumusuway sa mga patakaran kaya’t hihintayin niya muna ang permiso ni Kim.
“I cannot discuss that until I get his (Kim’s) permission. It’s a diplomatic tête-à-tête. Nothing earthshaking but more of confidentiality. I hate to break the rules,” ani Duterte.
Ang pulong sa pagitan nina Duterte at Kim ay naganap matapos ang pagtanggi ng pangulo sa offer ng US na F-16 fighter jets.
Sa isang tweet sinabi ni Kim na naging maganda ang pulong nila ng pangulo kung saan napag-usapan anya ang shared goals ng Pilipinas at US sa usapin ng ekonomiya at defense.