Sa Kapihan sa Manila Bay media forum, sinabi ni Finance Assistant Secretary Antonio Lambino, 8.5% ang itinaas sa presyo ng mga pagkain na gawa sa bansa.
Dahil dito sinabi ni Lambino, na isa ring ekonomista, na may mga hakbang nang ipinatutupad ang gobyerno para maibsan ang epekto ng pagsirit ng presyo ng mga food products.
Kabilang sa mga tinukoy aniya ng binuong Economic Development Cluster na tutugon sa mataas na inflation ay ang direktang pagbagsak ng mga aangkating produkto katulad ng isda, karne, at bigas sa mga pamilihan, implementasyon ng rice tariffication, at pagpapaigting ng monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at farm groups sa supply at bentahan ng mga produktong pagkain sa merkado.
Sinabi naman ni Lambino na hindi gaanong apektado ng mataas na inflation ang mga lalawigan kung saan sagana ang suplay ng agricultural products.
Taliwas naman ang pananaw ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa epekto ng inflation. Aniya mas mataas ang presyo ng mga bilihin sa mga agricultural provinces dahil umano sa hoarding na ginagawa ng ilang mga kapitalista sa suplay ng mga produktong pagkain.