Habang papalapit ang muling pagpapatupad ng P2 per minute travel charge, hinimok ng Grab Philippines ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tanggalin na ang cap sa mga bumibiyaheng transport network vehicles.
Ayon kay Grab Philippines country head Brian Cu, nawala na ang 10% ng kanilang partner drivers nang kanselahin ng LTFRB ang P2 per minute charge noong Abril.
Kamakailan ay pinayagan ng ahensya ang Grab at ibang transport network companies na muling ipatupad ang naturang travel time fee.
Sinabi ni Cu na bahagyang nakatulong ang re-imposition ng P2 per minute charge na magiging epektibo sa September 21.
Pero giit ni Cu, kulang pa rin sila ng drivers kahit bumalik ang mga dating umalis na.
Nasa 6,000 hanggang 8,000 drivers ang kailangan pa ng Grab para mas maraming maserbisyuhang pasahero.
Sa ngayon ay mayroong 35,000 active drivers ang kumpanya na tumutugon sa 600,000 bookings kada araw.
Itinakda ng LTFRB sa 65,000 ang drivers cap ng TNVS pero 55,000 lamang ang nasa master list na isinumite ng Grab at Uber.
Noong Agosto ay binuksan ng ahensya ang aplikasyon para sa 10,000 drivers na wala sa master list para maabot ang supply cap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.