Storm surge ibinabala sa pagpasok sa bansa ng bagyong Ompong

Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na simula bukas ng tanghali ay makararanas na ng malakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng Northern Luzon.

Ito ay kaugnay pa rin sa pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ng bagyong Ompong.

Sa briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na mas palalakasin ng bagyo ang Habagat na magdadala ng malakas na ulan  hindi lamang sa lalawigan ng Cagayan at Batanes kundi sa malaking bahagi ng Luzon.

Sa pagpasok sa PAR ng bagyong Ompong kaninang alas-tres ng hapon ay napanatili nito ang lakas ng hangin na 205 kilometers per hour at gustiness o pagbugso na aabot sa 255 kilometers per hour sa bilis na 20 kph.

Nasa ilalim na ng signal number 1 ang lalawigan ng Catanduanes at inaasahan na itataas na rin ito sa Batanes bukas ng umaga.

Sinabi ni Jalad na asahan ang storm surge sa mga lugar na kinabibilagan ng Cagayan, Batanes, Cordillera at Central Luzon.

Nauna nang sinabi ng Pagasa na posibleng umabot bukas sa 225 kph ang lakas ng bagyo at pagbugso na aabot sa 275 kph.

Muli ring umapela ang NDRRMC sa mga local officials lalo na sa Cagayan na magpatupad ng preemptive evacuations sa mga mabababang lugar para sa kaligtasan ng publiko.

Sa 5 p.m weather bulletin ng Pagasa, kanilang sinabi na inaasahang aabutin ni Ompong ang Super Typhoon category dahil madali nitong maaabot ang lakas na 220 kph.

Read more...