Itaaas na sa “full-alert” ang buong police units sa Luzon, kaugnay sa pangambang pananalasana ng super typhoon Ompong.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Chief Oscar Albayalde, epektibo bukas (September 13) ng alas-sais ng umaga ay nasa full-alert na ang lahat ng kanilang units at resources sa Luzon lalo’t maraming rehiyon dito ang inaasahang babayuhin ng bagyo.
Kapag naka-full-alert, sinabi ni Albayalde na ang field units ng PNP ay dapat naka-antabay na para sa rapid deployment, upang matiyak ang mabilis na pagresponde sa mga biktima ng kalamidad.
Maliban dito, sinabi ni Albayalde na kanyang inactivate na ang national headquarters na tututok sa lahat ng PNP disaster response operations.
Ang iba pang unit na inilagay sa full-alert ay ang Special Action Force o SAF, Maritime, Highway Patrol Group, Police Community Relations, Health Service, Mobile Forces at iba pa, para sa mas malawak na rescue at response.
Dagdag ng PNP chief, inihahanda na rin ang pambansang pulisya ang relief goods na ipapamahagi sa mga maaapektuhan ng malakas na bagyo.