Nakaalerto na ang National Capital Region Police Office hinggil sa posibleng maging epekto ng Typhoon Ompong sa Metro Manila.
Ayon sa NCRPO, nasa-standby alert na at operational ready ang kanilang search and rescue personnel gayundin ang kanilang mga kagamitan.
Inatasan na rin ni NCRPO chief, Police Dir. Guillermo Eleazar ang lahat ng district directors, chiefs of office, station commanders at field commanders na maging alert at tiyakin ang koordinasyon sa mga local government unit at sa Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ani Eleazar bagaman batay sa forecast ng PAGASA ay hindi naman direktang maaapektuhan ng bagyo ang Metro Manila, ay nananawagan pa din sila sa publiko na manatiling nakabantay.
Hiniling din niya ang kooperasyon ng mga residente sa mga hakbang na kailangang ipatupad sakaling makaapekto ang bagyo.