Chot Reyes, nagbitiw na bilang coach ng PH men’s basketball team

By Rhommel Balasbas September 12, 2018 - 03:48 AM SHARE(S):

Inanunsyo ni Chot Reyes ang pagbibitiw sa pwesto bilang coach ng Philippine men’s basketball team.

Sa isang Twitter post, sinabi ni Reyes na oras na para siya ay makatulong sa basketball program ng bansa sa ibang pamamaraan, lalo na sa 2023 FIBA World Cup kung saan co-host ang Pilipinas.

Pinangunahan ni Reyes ang Gilas Pilipinas ng dalawang termino.

Una ay noong 2012 hanggang 2014 at bumalik upang palitan si Tab Baldwin noong 2016.

Sa ilalim ng kanyang termino ay nagkamit ng silver medal ang Pilipinas sa 2013 FIBA Asia Championship dahilan para makapasok ang bansa sa 2014 FIBA World Cup na kauna-unahan matapos ang apat na dekada.

Bagaman naging makulay ang termino ay nasadlak din ito sa kontrobersiya matapos ang naging rambulan ng Gilas at Australia sa Philippine Arena noong Hulyo.

Dahil dito ay nasuspinde siya at iniluklok si Yeng Guiao bilang coach ng Philippine Team sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia kung saan nagtapos ang national team sa 5th place.

Sinabi na rin ni Samahang Basketbol ng Pilipinas chairman emeritus Manny V. Pangilinan na si Guiao na ang hahawak ng national squad.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.