Ngunit iginiit ng Comelec na hindi nila ito kasalanan.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang tanging dapat sisihin sa kung ano man ang dinaranas na hirap ng mga nagpaparehistro ngayon ay ang kanila ring mga sarili.
Matagal na kasing nagbukas ang voters registration at hindi naman sila nagkulang sa pagpa-paalala sa publiko kung kailan ito matatapos.
Ayon kay Jimenez, kung mas maaga lamang nagparehistro ang mga tao, kahit pa isang buwan lang bago ang deadline, disin sana’y mas maikling pila ang kanilang pinagdaanan at hindi na rin siguro uminit ang ulo nila.
Kaya kasing tapusin sa loob ng 15 minutos ang buong proseso, at ang tanging nagpapatagal lamang ay ang haba ng pila.
Noong May 2014 pa kasi nagsimula ang voters registration, ngunit magpasa-hanggang ngayon ay dagsa pa rin ang mga taong nais humabol sa deadline.
Tila ba hindi nauubos ang pila ng mga tao na patuloy ang pagdating sa kanilang mga opisina.
Giit pa ni Jimenez, sinubukan na ng ahensya ang lahat upang mapadali para sa mga tao ang proseso, ngunit may limitasyon rin ang kanilang sistema.
Ngayon na ang huling araw ng pagpaparehistro sa mga registration centers at satellite offices ng Comelec.
Sa mga oras na ito, wala pa ring idinedeklara ang Comelec na pagpapalawig sa voters registration na nakatakdang matapos mamayang alas-9 ng gabi.
Aniya nasa mga kamay na ni Comelec Chair Andres Bautista ang pagdedesisyon kung ie-extend ba ito base sa kaniyang mga nakita sa kaniyang pag-iikot kahapon.
Matatandaang kamakailan lamang ay pinahaba na ng ahensya ang kanilang office hours, mula sa pangkaraniwang oras ay ginawa nila itong 12 oras at pinapaabot ang kanilang pagtanggap sa mga magpapa-rehistro hanggang 9pm.
Umapela naman sa publiko ang mga kasapi ng Comelec Employees’ Union, na humaharap sa galit ng mga taong matagal pumila at inip na inip na, na sana ay habaan pa ang pasensya at pang-unawa dahil ginagawa naman nila ang lahat para mapaglingkuran ang mga nais magpa-rehistro kahit pa nawawalan na sila ng oras para kumain o kaya ay mag-banyo.