Inalis na bilang pinuno ng National Food Authority (NFA) si Administrator Jason Aquino.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mismong si Aquino ang nakiusap na ma-relieve siya sa pwesto.
Gusto na rin ng pangulo na buwagin na ang NFA council para mabawasan ang mga taong nakikisawsaw sa rice importation.
“The shortage is caused by man-made manipulation. Kasi may bigas eh, import tayo nang import”, ayon sa pangulo.
Naging sentro ng balita ang NFA dahil sa mataas na halaga ng bigas at kakulangan ng supply nito sa mga pamilihan.
Bilang solusyon sa kakapusan ng supply ng bigas sa bansa ay sinabi ng pangulo na kailangang umangkat na ng bigas para bumaba ang halaga nito sa merkado.
Isa rin sa mga opsyon ayon kay Duterte ay ang barter trade pero ito ay depende kung papayag ang kanyang mga economic manager.
Paliwanag pa ni Duterte, “Mura ang bigas galing Sabah. Kung hayaan mo lang ang authorities natin diyan, kung mga taga Basilan, Jolo, Zamboanga hayaan mo bumili bigas, sobrang mura”.