NDRRMC handa na sa pagpasok ng mala-Yolanda na bagyo

Inquirer file photo

Naghahanda na ang gobyerno sa Bagyong Mangkhut o Bagyong Ompong kapag pumasok na sa ating bansa.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC spokesperson Edgar Posadas, ang paghahanda ng pamahalaan ay para sa isang “Yolanda-level” na bagyo.

Matatandaan na nananalasa ang Super Typhoon Yolanda noong November 2013 na kumitil sa maraming buhay at sumira sa mga bahay, imprastraktura at kabuhayan.

Sinabi ni Posadas na nakatutok sila sa Regions 1, 2 and Cordillera Administrative Region.

Kabilang sa mga target, ani Posadas ay pagkakaroon ng sapat na suplay ng relief goods lalo na ng bigas para sa mga maaapektuhan ng bagyo.

Ang DSWD naman aniya ang nagtiyak na may nakalaang P1.7 Billion na standby funds para sa mga posibleng maaapektuhan ng Bagyong Ompong.

Dapat din na walang putol ang komunikasyon at kuryente kaya nakipag-ugnayan na sila sa mga telecommunication companies.

Kung maaari rin ay magsasagawa ng preemptive evacuation upang maiwasan ang casualties o pagkasawi ng mga residente.

May idedeploy din na mga personnel at equipment, lalo na sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.

Read more...