Ang Typhoon Mangkhut ay inaasahang papasok sa bansa bukas at papangalanan itong Ompong.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Usec. Ricardo Jalad, puspusan na ang paghahanda ng kanilang OCD regional offices at kabilang sa tututukan sa preparasyon ay ang maagap na pagbibigay abiso at paglilikas sa mga residente.
“Puspusan ang paghahanda natin, nung weekend pa sinabihan na natin ang ating mga regional directors sa OCD na siyang namumuno sa mga regional disaster risk reduction management council sa kanilang mga regions na magsimula nang maghanda. Maayos naman ang paghahanda nila, ang critical talaga dito ay ang maagang advisories sa ating mga kababayan at saka maagang implemetasyon ng relocation protocols kung kinakailangan para maiwasan ang casualties. Pagkatapos manalasa kung kailangan na mayroong tutulungan, kailangan meron tayong response units na magagamit at maitutulong sa local government units na sila naman ang first responders,” ayon kay Jalad.
Ani Jalad, may nakahanda na ring relief goods sa mga rehiyon na maaring tamaan ng bagyo at inaalam pa sa ngayon kung saan-saang mga lugar kinakailangang magkaroon ng dagdag na food packs.
Payo naman ni Jalad sa publiko lalo na sa mga lugar na inabisuhang tatamaan ng bagyo ngayon pa lamang ay maging handa na.
May apela din si Jalad sa mga lokal na pamahalaan lalo na sa mga mayor at kapitan ng barangay na pawang first responders sa ganitong sitwasyon.
“Sa ating mga kababayan na maaring maapektuhan nitong si Typhoon Ompong, gawin natin ang sarili nating paghahanda, mag-imbak ng pagkain, tignan ang kondisyon ng bahay. Kumpunihin kung kinakailangan, very effective ang pagtatali ng bubong ng mga bahay, ginawa ‘yan sa Isabela at ganoon din ang ginagawa sa Batanes. Paghahanda sa pamilya, tignan ang vulnerability, kung kayo ay malapit sa bahaing lugar makipag-ugnayan sa mga barangay saan ba safe na sumilong at mag-evacuate. Sa ating mga opisyales, barangay chairman, councilors mga mayor sana ay gawin natin ang ating obligasyon dito, ito ang ating pangako sa mga dapat na pagsisilbihan, tayo ay inaasahang tumulong sa ating mga kababayan, so gagawin natin,” dagdag pa ni Jalad.