Residente ng isang barangay sa Rizal nakakuha ng libreng bigas dahil sa naaksidenteng NFA truck

Tila sinwerte ang mga residente ng Barangay Mambugan sa Antipolo City, Rizal matapos makakuha ng libreng bigas mula sa isang naaksidenteng truck ng National Food Authority (NFA).

Lunes ng hapon nang bumangga sa gilid ng Sumulong Highway ang truck ng NFA. Dahilan ito upang kumalat ang ilang sako ng bigas na karga nito.

Ayon sa isang kawani ng barangay na tumangging magpapangalan, kanya-kanyang kuha ang mga residente ng bigas na nagkalat sa kalsada.

Aniya, hindi naman kinuha ng mga residente ang mga bigas na nasa loob pa ng naaksidenteng truck.

Ayon pa sa kawani ng barangay, posibleng overloaded ang truck at nawalan ng kontrol ang driver habang nagmamaneobra sa pababang bahagi ng Sumulong Highway.

Nabatid na dadalhin dapat ang bigas sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Marikina City.

Ayon naman kay BJMP Spokesperson Chief Inspector Xavier Solda, mahigit 150 sako ng bigas ang karga ng truck at ang mga ito ay nadala na sa piitan ng humaliling delivery truck.

Read more...