Comelec pinayuhang iurong ang filing ng COC para sa 2019 polls

Inquirer file photo

Hinimok ng Senado at Kamara ang Commission on Elections (Comelec) na iusog ang petsa ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa May 13, 2019 national at local elections.

Parehong hiniling ng Senate Concurrent Resolution 13 at House Concurrent Resolution No. 20 sa Comelec na gawin sa October 11-17, 2018 ang COC filing mula sa orihinal na petsa na October 1-5, 2018.

Walang senador na tumutol sa pagpasa ng resolusyon na inihain ni Senate President Tito Sotto.

Una itong dinala sa Committee on Rules pero nag-move si Sen. Joel Villanueva, na itinalagang majority leader sa naturang sesyon, para sa adoption ng resolusyon.

Sina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Majority Leader Rolando Abaya Jr., naman ang naghain ng resolusyon sa Kamara.

Walang dahilan na nakalagay sa Senate session pero sa Kamara, iminungkahi ang pagpapaliban ng COC filing para may oras ang mga kongresista na magawa ang kanilang legislative duties at ma-meet ang deadline para sa paghain ng COC.

Binanggit sa House resolution na may sesyon ang 17th Congress mula August 28 hanggang October 12 at adjournment sa October 13 hanggang November 11.

Read more...