Limang taon mula nang huling maglabas ng album ang Canadian singer na si Avril Lavigne ay inanunsyo nito na sa September 19 ay ilalabas niya ang isang single para sa kanyang bagong album.
Sa isang open letter para sa kanyang mga tagahanga na naka-post sa kanyang website ay sinabi ni Avril na ang pamagat ng kanyang bagong single ay ‘Head Above Water.’
Ayon sa singer, habang nakikipaglaban siya sa sakit na Lyme Disease ay ginamit niya ang panahon upang sumulat ng mga awitin.
Aniya, sa pamamagitan ng mga kantang kanyang isinulat ay maikukwento niya ang kanyang mga karanasan habang nakaratay dahil sa sakit.
Paliwanag pa ni Avril, ang ‘Head Above Water’ ay ang kanyang unang kantang isinulat sa panahong maituturing niyang pinakanakakatakot sa kanyang buhay. Aniya, tinanggap na niya sa mga panahong iyon na mamamatay na siya.
Ayon pa sa singer, ngayon na malakas na siya, bagaman patuloy na nakikipaglaban sa sakit na Lyme Disease, ay gusto na niyang gawin muli ang bagay na pinakamamahal niya — ang magtanghal sa kanyang mga fans.