Kakulangan ng NFA rice ramdam na rin sa mga kulungan

Inquirer file photo

Ramdam na rin pati loob ng mga bilangguan ang kakulangan ng suplay ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).

Sinabi ni Tacloban City Jail warden Supt. Manuel Chan na napipilitan na silang bumili ng bigas mula sa pribadong supplier dahil sa kulang ang NFA allocation na kanilang tinatanggap.

Ang mga kulungan sa bansa ay sa NFA bumibili ng bigas dahil sa murang halaga nito.

Mula sa dating P1,500 na budget sa bawat kaban ng bigas ngayon ay gumagastos umano ang Bureau of Jail Management and Penology ng higit sa P2,000 para sa bigas sa mga preso.

Ang Tacloban City Jail ay kumukonsumo nang hanggang sa 320 sako ng bigas kada buwan ayon pa kay Chan.

Umaabot sa 1,052 ang bilang ng kanilang mga bilanggo at ang bawat isa sa mga ito ay kumukonsumo ng 400 gramo ng kanin para sa almusal, tanghalian at hapunan ayon pa sa opisyal.

Sinabi ni Chan na siya ring assistant regional director ng BJMP na Eastern Visayas na pahirapan rin ang pagkuha ng BJMP ng bigas ng NFA para sa iba pang mga kulungan sa bansa.

Read more...