Para kay Pangulong Rodrigo Duterte, si United States President Donald Trump ang dapat sisihin sa 6.4 percent na inflation rate ng Pilipinas na pinakamataas sa loob ng siyam na taon.
Sa talumpati ng pangulo sa harap ng Filipino Community sa Royal Cultural Palace sa Amman, Jordan, sinabi nito na ang tariff ban ni Trump sa mga produkto ang dahilan ng mataas na inflation rate sa bansa.
“Inflation is dahil ‘yan kay Trump [Inflation is because of Trump]. When Trump raised ‘yung mga tarrif niya pati banned other items nagkaloko-loko,” ani Duterte.
Nagpatupad ang US ng taripa sa China dahil sa ilang kontrobersyal na trade practices nito kabilang ang pagbebenta ng kanilang produkto ng mas mahal para sa mga American consumers at businesses.
Gayunman, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang dahilan ng mas mataas na inflation rate para sa August 2018 ay ang mataas na presyo ng bigas, kuryente at transportasyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya magsosorry at mataas talaga ang inflation rate sa bansa, ngunit kasalukuyan na itong kinokontrol ng kanyang administrasyon.
“I am not aplologizing. There is really inflation in the Philippines and we are trying to control it,” dagdag pa ng presidente.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na walang rason para magpanic ang publiko sa kabila ng pagsipa ng presyo ng mga produkto.