Hirit na TRO ni Sen. Trillanes sa SC irerespeto ng DND

Tiniyak ng Department of National Defense o DND na susunod sila sa kung anuman ang magiging desisyon ng Korte Suprema, kaugnay sa petisyong inihain ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV.

Ito’y sa gitna ng usapin sa pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya kay Trillanes.

Sa isang statement na inilabas ngayong Biyernes (September 7), sinabi ng DND na nakakuha sila ng ulat na naghain ang kampo ni Trillanes sa Supreme Court ng petition for Certiorari, Prohibition and Injunction at humihiling ng pag-iisyu ng Temporary Restraining Order o TRO.

Ayon sa DND, nirerespeto nila ang judicial process at handa silang tumalima sa pasya ng korte.

Sa naunang pahayag ng DND ay sinabi nito na maaaring arestuhin si Trillanes kahit walang warrant of arrest mula sa korte, na pinalagan naman mismo ng senador.

Kasabay nito, kinumpirma ng Armed Force of the Philippines na nasa proseso na sila ng pagbuo ng General Court Martial, alinsunod sa mandated task sa ilalim ng Presidential Proclamation 572.

Sa ngayon ay hindi muna raw sila magkokomento sa merito ng kaso, biglang pagsunod sa sub judice rule.

Bilang isang institusyon, sinabi ng AFP na sila’y nagkakaisa at committed sa chain of command at rule of law.

Read more...