SC, hindi dapat magpagamit sa Duterte admin sa kaso ni Trillanes ayon sa isang grupo
Umapela ang Movement Against Tyranny sa Korte Suprema at sa Makati Regional Trial Court na huwag magpagamit sa administration, kaugnay sa pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya kay Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon sa Teddy Casiño, convenor ng grupo, sinusuportahan nila ang paglaban ni Trillanes sa umano’y ilegal na proklamasyon ni Duterte.
Malinaw aniya na isang desperadong hakbang ng presidente ang pagpapa-aresto kay Trillanes, na kilalang kritiko ng administrasyon.
Dagdag ni Casiño na paniniil ang ginagawa ni Duterte at mga tauhan nito, na dapat kondenahin ng taumbayan.
Sinabi ni Casiño na umaasa ang kanilang grupo na hindi papayagan ng Mataas na Hukuman at Makati RTC na sila’y magamit ng pamahalaan, at sa halip ay pairalin ang hustisya at katotohanan.
Nauna nang naghain ng petisyon ang kampo ni Trillanes sa Korte Suprema laban sa proklamasyon ng pangulo, habang nakatakdang dinggin ng Makati RTC ang hirit ng Department of Justice na alias warrant of arrest at hold departure order laban sa senador.
Samantala, hinimok ni Casiño ang publiko na sumali sa isasagawang pagtitipon sa Luneta sa September 21, 2018, o binansagang “Never Again! And No to Dictatorship!”
Bukod sa protesta laban sa martial law ay kakastiguhin din nila ang arrest order laban kay Trillanes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.