Pinay sa Kuwait na nanaksak ng amo binibigyang tulong na ng DFA
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nabibigyan ng sapat na tulong ang Pinay na inaresto dahil sa pananaksak sa kaniyang employer sa Kuwait.
Sa pahayag sinabi ng DFA na tumutulong ang Philippine Embassy sa Kuwait sa biktimang si Ulambai Singgayan na tubong Maguindanao, at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa Kuwaiti authorities na may hawak sa kaso.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola, pinagkakalooban ng legal assistance at iba pang pangangailangan si Singgayan.
Agad ding nagpadala ng team ang embahada sa ospital kung saan dinala si Singgayan matapos magtamo ng mga sugat sa katawan nang atakihin siya ng kaanak ng kaniyang employer.
Batay sa inisyal na ulat, sinaktan si Singgayan matapos niyang saksakin umano ang kaniyang employer na nanakot sa kaniya na ipapawalang bisa ang kaniyang visa at ililipat siya sa kabilang bahay kung saan siya papatayin.
Nagtamo si Singgayan ng mga sugat sa mukha, braso at dibdib at nakitaan din ng internal bleeding sa kaniyang tiyan.
Nahaharap pa ang Pinay sa kasong felony dahil sa pagsaksak sa amo at ngayo ay naka-hospital arrest.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.