Amnesty records ng Magdalo members posibleng nawawala na rin

Nangangamba si Magdalo Representative Gary Alejano na lahat ng isinumiteng amnesty documents ng mga miyembro ng Magdalo ay nawawala na rin.

Ito ang naging pahayag ng mamababatas sa kanyang pagbisita kay Senador Antonio Trillanes IV sa Senado.

Paliwanag ni Alejano, magkakasama ang records ng lahat ng sundalo sa ilalim ng Magdalo na humingi ng amnestiya sa (Department of National Defense) DND Amnesty Ad Hoc Committee.

Kaya naman kung nawala ang kay Trillanes ay posibleng wala na rin ang sa iba pang taga-Magdalo.

Ayon pa kay Alejano dahil sa temporary lamang ang komite ay posibleng na-misplace ang pinaglagyan ng mga dokumento o naipasa-pasa na sa mga mgkakaibang head of office at hindi na na-track kung saan nakalagay.

Sinabi rin ng mambabatas na na-bypass ni Solicitor General Jose Calida ang protocol dahil bago mag-isyu ng certificate ang Deputy Chief of Staff for Personnel o J1 ay dapat munang sumulat si Calida sa DND at hindi direktang nakipag-usap sa AFP.

Aniya, hindi kasi sakop ng DND ang Solicitor General.

Ngunit ang nangyari aniya ay minadali at shinortcut ang pagkuha sa certificate.

Ayon pa sa mambabatas, kung gugustuhin lamang ay pwede munang hanapin ang mga dokumento ngunit tila ora-orada ang pagpipilit sa paglalabas ng sertipikasyon na walang amnesty application record si Trillanes.

Ngunit ani Alejano, posibleng napwersa lamang ang J1 na ilabas ang certificate dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Read more...