Sumulat ang grupong Let’s Organize for Democracy and Integrity (LODI) Arts and Media Alliance kay House Committee on Appropriations chair Rep. Karlo Nograles na gisahin ang PCOO officials sa budget briefing para sa ahensya.
Ayon kay Tonyo Cruz, miyembro ng LODI steering committee, isang palpak na ahensya ang PCOO dahil sa sunud-sunod na pagkakamali nito.
Binanggit pa ni Cruz ang mga kontrobersiyang kinasadlakan ng ahensya tulad ng pag-imbento sa bansang ‘Norwegia’, pagpalit sa pangalan ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Winston at sa sikat na ‘pepederalismo video’ na kinunan anya mismo sa opisina ng ahensya.
Mas mataas ang hinihinging budget ng PCOO para sa 2019 ng P39.434 milyon kumpara sa kanilang 2018 budget.
Ayon sa grupo dapat bawasan ang budget dahil sa kapalpakan ng PCOO at dahil na rin sa anila’y patuloy na pagpapakalat ng fake news ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson.
“Kinukwestiyon namin kung bakit sila may budget increase. Dapat bawasan yung budget ng PCOO. Hindi pa kasama dito na yung PCOO, lalo na sa pangunguna ni Mocha Uson, ang numero unong tagapagkalat ng fake news sa bansa,” ani Cruz.
Umaasa ang grupo na sasagutin ng PCOO ang kanilang mga tanong.