Nagdiwang ang LGBT community sa India makaraang ibasura ng Supreme Court ang batas na nagbabawal sa “consensual gay sex”.
Sa isang landmark verdict, sinabi ng hukuman sa India na ibinabasura na nila ang isang uri ng archaic law na ipinatutupad noong pang panahon ng Bristish rule sa nasabing bansa.
Sa loob ng mahabang panahon ay ipinagbabawal ang pakikipag-relasyon sa kapwa lalaki ng isang lalaki at sa kapwa babae naman para sa isang babae sa India.
Noong 2009 ay sinabi ng Delhi High Court na ang pagbabawal sa consensual gay sex ay paglabag sa fundamental rights ng isang tao.
Taong 2013 naman nang maglabas ng desisyon ang Supreme Court na nagsasabing dapat igalang ang kapakanan ng mas nakararami na hindi kabahagi ng LGBT community.
Mula noon ay nagpatuloy ang kampanya para sa kanilang karapatan ng LGBT community sa nasabing bansa hanggang sa nabaliktad ang naunang desisyon ng mataas na hukuman sa India.
Sa pagharap ng mga kinatawan ng LGBT sa hukuman ay kanilang ibinahagi ang halos ay araw-araw na panlalait na kanilang tinatanggap sa lipunan dahil sa kanilang sexual orientation.
Sinabi ng ilang observers na naging mahina sa pagdepensa sa kanilang argumento ang ilang lider ng simbahan kaya naisulong ang batas na nagbabawal sa homosexual relationship sa nasabing bansa.