VP Robredo nanawagang itigil ang pamumulitika matapos sumipa sa 6.4% ang inflation

By Isa Umali September 06, 2018 - 12:47 PM

Nanawagan si Vice President Leni Robredo na itigil na ng Duterte administration ang pamumulitika, kasunod ng inflation rate para sa Agosto 2018 na pumalo na sa nine-year high na 6.4%.

Sa kanyang statement, sinabi ni Robredo na sa halip na patahimikin ang mga taong pumupuna sa mga pagkukulang ng pamahalaan, gamitin daw sana itong pagkakataon ng administrasyon na patunayang kaya nilang pababain ang presyo ng mga bilihin.

Giit ni Robredo, walang makikinabang sa patuloy na pamumulitika, lalo’t ramdam nang lubos ng taumbayan ang inflation.

Lugi rin aniya ang mga mamamayan kung lulustayin lamang ang kapangyarihan sa mga hakbang na magdudulot ng pagkakawatak-watak, tulad ng pagbawi sa amnestiya kay Senador Antonio Trillanes.

Paaala ng VP, ang kailangan ngayon ng bansa ay isang gobyernong nagtatrabaho para sa interes ng nakararami, at hindi sinasayang ang kapangyarihan at kaban ng bayan para manindak ng kalaban.

Sa kanya pang statement, sinabi ni Robredo na dapat nang ihinto ng gobyerno ang pangmamaliit sa epekto ng inflation sa ating bansa at pagsasabing tanda ito ng paglago ng ekonomiya.

Sinabi ni Robredo na ang inflation rate ay kumpirmasyon sa matagal na niyang babala na patuloy ang pagmahala ng presyo ng mga bilihin tulad ng bigas, kung walang epektibong hakbang ang pamahalaan.

Muling panawagan ng VP sa administrasyon, hanapan ng agarang solusyin ang paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino at bigyang-tutok ang mga problema sa gutom at kahirapan.

TAGS: leni robredo, Radyo Inquirer, leni robredo, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.