Ikinababahala na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawi sa amnestiya ni Senator Antonio Trillanes IV.
Sinabi ito ng senador kasabay ng pahayag na inilalagay kasi ni Pangulong Duterte sa alanganin ang militar.
“They are bothered, extremely bothered, by the Commander-in-Chief na isinasalang pa sila sa alanganin,” ani Trillanes.
Malinaw ayon kay Trillanes na nasa alanganing sitwasyon ngayon ang AFP dahil sa proclamation order ni Pangulong Duterte.
Malinaw naman kasi aniyang pulitika ang nasa likod ng hakbang ng Malakanyang.
Dagdag pa ni Trillanes, may mga kaibigan siya mula sa AFP na nagbigay sa kaniya ng mga dokumentong magpapatunay na siya ay naghain ng aplikasyon para sa amnestiya.
Maliban dito, nakatatanggap din aniya siya ng mensahe ng suporta mula sa mga aktibo at mga retiradong military officers.
Umaasa si Trillanes na kahit may utos mula sa Palasyo ay gagawin ng AFP ang tama bilang isang institusyon.