Kinumpirma ng Philippine Sports Commission na bibigyan ng gobyerno ng dagdag na tig-iisang milyong piso ang mga atletang nakapag-uwi ng gintong medalya sa katatapos na Asian Games.
Ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez, ito ay base sa napag-usapan nila ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go matapos nilang salubungin sina Hidilyn Diaz at ang mga lady golfer ng bansa noong nakaraang linggo.
Si Pangulong Rodrigo Duterte ang magbibigay ng insentibo sa mga atleta.
Ang mga nakakuha naman ng silver ay bibigyan din ng P500,000 habang P200,000 naman sa mga nakapag-uwi ng bronze medal.
Maliban sa ibibigay ng pangulo, ang mga gold medalist ay mayroon nang P2 milyon mula sa PSC at POC; P1 milyon mula sa SIklab Sports Foundation at P1 milyon mula naman kay Philippine ambassador to Indonesia Cesar Lee Hiong Tan Wee.