Pangulong Duterte bumisita sa Open Doors Monument sa Israel

By Rhommel Balasbas September 05, 2018 - 10:53 PM

Binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Open Doors Monument sa Rishion LeZion Holocaust Memorial Park sa Israel, Miyerkules ng hapon.

Ito ay upang opisyal nang wakasan ang kanyang makasaysayang apat na araw na pagbisita sa naturang bansa.

Nag-alay ng bulaklak ang pangulo sa monumento kasama ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Ang naturang monumento na pinasinayaan noong 2009 ay binuo ng Israel upang kilalanin ang ‘open door policy’ ng Pilipinas sa Jews noong World War II sa panahon ni Pangulong Manuel L. Quezon.

Dinesenyo ang Open Doors Monument ng Filipino artist na si Luis ‘Junyee’ Yee, Jr kung saan makikita ang apat na bukas na pinto na simbolo ng pagtanggap ng Pilipinas sa mga Jews noong digmaan.

Nagbigay tahanan ang Pilipinas sa 1,300 Jews noong digmaan at sa isang United Nations resolution noong 1947 na dahilan para mabuo ang Jewish state.

Matapos ang wreath laying ay tumungo na ng Jordan ang pangulo para sa isa pang makasaysayang state visit.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.