Bumagsak pa ang halaga ng piso sa loob ng 12 taon matapos ianunsyo na sumipa sa 6.4 percent ang inflation rate para sa buwan ng Agosto.
Mula sa P53.53 na palitan noong Martes ay nagsara ang palitan kahapon sa P53.55 na pinakamahinang lagay ng piso mula sa P53.57 noong June 28, 2006.
Sa pahayag na ipinadala ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor Espenilla Jr., sinabi nitong pag-aaralan ang pinakahuling datos para balikan ang monetary policies na ipinatutupad.
Ani Espenilla, kailangan ding ikonsidera ang mga nangyayari sa labas ng bansa na nakakaapekto sa lagay ng piso.
Dahil sa mga emerging markets at paglakad ng dolyar anya ay naaapektuhan ang currencies tulad ng piso.
Iginiit pa ni Espenilla na ang mataas na presyo ng mga produktong langis sa world market ay nakakaapekto sa presyo ng transportasyon at kuryente sa bansa.